Kapag naging tayo.

Lilibutin natin ang buong mundo,
ngunit bago tayo maglakbay,
lalakbayin ko muna ang pagitan sa iyong mga mata,
susukatin ang kalaliman ng titig mong
dagat ba o balon na ‘di maaaring hilingan?

Kakabisaduhin ko ang kurba ng iyong ngiti,
ang iyong ngiting langit na mga pakpak sa paglipad,
papakinggan nang maigi ang iyong tawa
at maging ang iyong paghikbi.

Kapag naging tayo.

Lalakbayin muna kita,
hanggang sa hindi na dayuhan
sa iyong kalawakan.

Sana.

Advertisements

Ipagpaumanhin mo sana kung hanggang ngayo’y hindi pa rin ako makalaya sa aking pag-iisa.

Bago pa man nilamon ng liwanag ang lungsod,
sinalubong na ako ng mga kamatayan sa daan.
Sa tapat ng bahay, nakakalat ang lamang-loob
ng nasagasaang itim na pusa, natuyo na ang dugo,
halos maging parte na ito ng kalsada.
Sa kabilang kanto, may natagpuan na namang katawan
na nakasilid sa garbage bag.
Wala pang pulis, wala pang midya, mga tambay lang,
“Adik siguro ‘yan.” narinig kong sabi ng isa.
Bago pumara ng tricycle, muli kong tinanaw
ang nasagasaang pusa, ang garbage bag.
Naramdaman kong naluha nang bahagya ang aking mga mata,
saka ako napabuntong-hininga,
“Hay… kawawang kuting.”

Ulap

Araw-araw, nagtataka kung paano nagagawang bumangon
sa umaga. Kahit pa gabi-gabing nakikipagbuno
sa mga halimaw at paulit-ulit na nagugurlisan.

Minsa’y babaha, malulunod, susubukan pang huminga
mula impyerno hanggang muntik na sa langit—
ipipikit ang mga mata’t iisiping iyon na ang huli

Ngunit magigising, hihilain ng sikat ng araw,
makikipagpaligsahan sa oras at muling susugod
sa matinding paglalakbay.

DEKADA

Nagsasayaw
ang kahapon at ngayon.
Magugulat ka sa gitna ng musika,
magpapaulan sila ng bala.
Magpapaalala…

Inilibing na ang hustisya
kalimutan mo na
ang latay ng nakaraan.
Hindi tayo uusad
kung mananatili
sa hawla ng galit at hinagpis.
Limutin mo na…

Muling nagsasayaw
ang kahapon at ngayon.
Magugulat ka sa gitna ng musika,
dadanak ng dugo’t
babaha ng luha.
Magpapaalala…

Hindi ba dapat bago ang paglimot,
may paghilom?
Ngunit paano?
Kung hanggang ngayo’y
naglalanggas pa rin ng sugat
dulot ng ilang dekadang pang-aalipusta
pagkagahaman
pagnakaw ng kalayaan
pagkabingi’t pagkabulag
na hindi pa rin tinutumbasan ng kahit kakapiranggot
ng anumang salitang
patawad
pagsisisi
o kababaang-loob.

Nagsasayaw
ang kahapon at ngayon.
Magugulat ka sa gitna ng musika,
isa-isa na nila tayong tinutumba.

Pito

Kay DP,

Hindi pa man tapos ang tag-init,

nagsimula nang umulan noon sa ating bakuran.
Malamlam na ang dagitab ng mga damdaming
minsa’y naging kasing liwanag ng araw.

At saang hardin ba napadpad ang mga paru-parong  matagal din nating pinangalagaan?

Hindi ko alam.
Hindi mo alam.
Hindi natin alam.
Basta nawala na lang, natapos na lang.
Maaari nga pala iyon,
ang basta-basta, ang isang iglap, ang kisapmata.

At bakit nga ba tayo nanalig sa ganoong uri ng pag-ibig?  o ako lang ba?

dahil takot akong mag-isa,
takot na walang mabalingan  ng mga alinlangan at pag-aalala,
takot na walang kasalo sa lungkot,
takot na walang mag-aampat  sa mga sakit na dulot ng mga sugat
 
na minsa’y di tiyak  kung saan nagmula.

Bakit ba ako nanalig sa ganoong uri ng pag-ibig?
Bakit ba  ako nanalig sa ‘yo?